Aklan News
ANTIGEN TEST, REQUIRED NA SA MGA AKLANON WORKERS NA PAPASOK SA BORACAY
Mandatory o required na ngayon ang antigen test sa mga Aklanon workers na pupunta ng Boracay Island batay sa anunsyo ng LGU Malay ngayong araw (August 2), Lunes.
Batay sa Executive Order No. 031 ni Malay Mayor Frolibar Bautista, ang mga Aklanon workers na pupunta ng Boracay ay kailangan sumailalim sa antigen testing sa mga clinics sa Mainland Malay na certified ng Municipal Health Office.
Bukas araw-araw mula 5:00AM – 7:00PM ang mga clinics na maaaring magsagawa ng antigen testing.
Hindi na kasali sa mga dapat kumuha ng Antigen screening test ang mga Malaynons, may mga hawak na RT-PCR test results, gayundin ang mga empleyado na lumabas ng isla at nakabalik sa loob ng 12 oras.
Pero sa oras na lumagpas sila sa 12 oras ay kinakailangan nang isailalim muli sa antigen testing.
Ang mga lalabas na workers ay bibigyan ng card ng PESO Malay na nakasaad ang oras ng kanilang pag-alis.
Ang mga empleyado na lalabas na positibo sa Antigen ay kailangan sumailalim sa confirmatory test (RT-PCR test).
Dadalhin ang mga ito sa holding area ng mga naghihintay ng confirmatory swabbing at ibabalik sa kanilang lugar na pinagmulan para mag-isolate habang hinihintay ang resulta ng swab test.
Epektibo ang naturang kautusan simula July 31, 2021.