Connect with us

Aklan News

MAYOR LACHICA, BUKAS SA MGA GUSTONG MAG-INVEST NG CREMATORIUM SA KALIBO

Published

on

Bukas si Kalibo Mayor Emerson Lachica sa mga gustong mag-invest sa crematorium sa bayan ng Kalibo.

Ito ang sinabi niya sa panayam ng Radyo Todo ngayong umaga.

Ayon kay Lachica, isa ito sa mga nakikita nilang paraan para masolusyunan ang problema sa limitadong libingan ng mga labi ng mga COVID-19 patients sa Kalibo.

Hirap kasi ngayon ang LGU dahil punuan na ang mga sementeryo sa bayan.

Mayroon nang limang namatay sa COVID-19 na nailibing sa Kalibo Municipal Cemetery habang may isang pamilyang bumili pa ng pribadong lote na umabot sa halagang P375,000 para paglibingan.

Sa special session ng Sangguniang Bayan ng Kalibo kahapon, nag-request si Lachica ng resolusyon na magbibigay ng otoridad sa kanya para makahanap at makabili ng lote na magiging libingan ng mga namatay sa COVID-19.

Kasunod ito sa utos ni Aklan Governor Miraflores sa lahat ng alkalde sa Aklan na maghanda ng libingan ng mga patay na COVID-19 patients dahil sa pansamantalang pagsara ng crematorium sa Iloilo.