Regional News
PRESYO NG KURYENTE SA PANAY AT NEGROS ISLANDS TUMAAS DAHIL SA NASIRANG SUBMARINE CABLE NG NGCP
Tumaas ang presyo ng kuryente sa mga konsumidor sa Panay at Negros Islands ngayong buwan ng Agosto dahil sa nasirang 90 MW submarine cable transmission line ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ang naturang submarine cable ay nakakonekta sa Negros at Cebu iIslands.
Mababatid na natamaan ng backhoe ng contractor ng Department of Public Works and Highways ang kable ng NGCP habang nagsasagawa ng river dredging at re-channeling project sa Bio-os River sa Amlan, Negros Oriental noong June 15.
Dahil sa nangyaring insidente, nabawasan ang transmission capacity ng NGCP sa mga isla na konektado sa Cebu, Negros at Panay Grid.
Hind na rin makapasok sa Negros at Panay ang mga murang supply ng kuryente na mula sa Leyte at Cebu na may bilateral contracts ang mga Distribution Utilities at mga Electric Cooperative.
Ang Northern Negros Electric Coop ang may pinakamalaking pagtaas ng rate na umabot sa P2.30/kWh. Noong July pumapatak ito sa P11.51/kwh, habang P13.82/kWh naman ngayong Agosto.
Nagbigay na rin ng abiso ang Central Negros Electric Cooperative (CENECO) na dumagdag ng P1.87 per kWh ang kanilang Generation Charge.
Aabot na sa P12.37 per kWh ang rate sa kanilang residential consumers ngayong buwan.
Sa Panay island naman tumaas rin ang rates ng mga Electric Cooperatives:
ILECO II – magdadagdag ng P.80/kWh, mababatid na noong July nasa P11.48 lamang ito habang magiging P12.29 naman ito ngayong Agosto.
ILECO III, sisingil ng P11.14 per kWh mula sa P11.02/kWh noong July.
Habang, ang Aklan Electric Cooperative (AKELCO) tumaas din ng 19 sentimos kada kWh.
Aasahang maniningil naman ng P12.11 kada kWh ang Capiz Electric Cooperative (CAPELCO).
Habang papatak naman sa P11.05 kada kWh sa Antique Electric Cooperative (ANTECO).
Apektado naman ng P1.53 per kWh na pagtaas ng generation cost ang mga konsumidor ng MORE POWER Iloilo na una nang napamura sa halagang P6.45 per kWh nakaraang buwan.
Ngayong buwan, magiging P7.99 per kWh na ang residential rate sa Iloilo City.
Tinuturing pa rin itong pinakamababa kumpara sa ibang lugar.
“Nakasubo kita sa sini nga natabo bangud ginahimo gid namon ang tanan nga paagi bilang Distribution Utility agud mapanubo ang balayran sa kuryente kag makabulig kita sa aton mga konsumidor sa subong nga may krisis sa pandemya apang may mga pass through charges nga wala na sa amon kontrol”, pahayag ni MORE Power Corporate Planning Head, Niel Parcon.
Napagalamang nagpadala na ng sulat sa Energy Regulatory Commission ang MORE Power para mag intervene kaugnay sa pagtaas ng line rental at generation charges.
“The result of the recent WESM transactions of MORE showing a very huge amount of line rental will redound to Consumers of Iloilo City paying high electricity rates which is very untimely in this time of pandemic”, saad ng MORE Power.
Naniniwala naman ang mga Consumer Groups sa Panay island hindi dapat ang konsumidor ang magsasalo sa problema na ang dahilan naman ay ang DPWH at pasilidad ng NGCP ang nasira.
Batay sa NGCP, inaasahang sa Disyembre pa matatapos ang pagsasaayos sa nasirang submarine cable.