Connect with us

Aklan News

BAHAGI NG SECOND FLOOR NG KALIBO PUBLIC MARKET, HINDI PARIN NAGAGAMIT; LGU-KALIBO, IPINASIGURONG HINDI NAKAKALIMUTAN ANG RENOVATION NITO

Published

on

Photo| MDRRMO Kalibo

Nilinaw ni Engr. Marlo Villanueva ng Municipal Planning and Development Coordinator ng munisipyo ng Kalibo na hindi nila kinakalimutan ang pagsasa-ayos sa bahagi ng ikalawang palapag ng Kalibo Public Market.

Ito ay kasunod ng ipinaabot na reklamo ng mga nag-uukopa sa naturang edipisyo na patuloy umano silang nagbabayad ng permit at iba pang taxes sa munisipyo ngunit hindi pa rin nila ito puwedeng gamitin dahil sa hindi pa inaayos matapos masunog, dalawang taon na ang nakakalipas.

Sa programang TODO komentaryo, sinabi ni Villanueva na hindi nila basta-basta at kaagad maisasaayos ang natubang bahagi ng Kalibo Public Market sa kadahilanan na kinakailangan gibain ang buong istruktura at hindi lamang ang nasabing palapag.

Dagdag pa nito na kung gagalawin ang second floor ay delikado dahil maaring mag-collapse ang buong edipisyo.

Binigyang-diin din nito na kung ang aayusin lamang ay ang bahagi ng second floor ay maaring magiging doble-gastos dahil gigibain rin ito ulit kapag ipapatayo na ang bagong istruktura ng Kalibo Public Market.

Maaalala na nakatakdang magpatayo ng bagong istruktura ang lokal na gobyerno ng Kalibo para sa bagong mukha ng Kalibo Public Market ngunit naantala lamang dahil sa ilang mga isyu katulad ng relocation site nito at ang ngayong kinakaharap na pandemya.

Kaugnay nito, sinabi ni Engr. Villanueva na mas makabubuti kung magsulat ng liham ang mga ito para kay Mayor Emerson Lachica at ipaabot ang kanilang sitwasyon at problema upang mabigyan sila ng nararapat na aksyon.