Aklan News
MGA NASA BORACAY FORESTLAND, DAPAT TALAGANG UMALIS

Kakasuhan at aarestuhin ng National Bureau of Investigaton (NBI) ang lahat ng mga nakatira sa forestland ng Boracay island kaya dapat na talaga silang umalis.
Sa panayam ng Radyo Todo kay BIATF General Manager Natividad Bernardino, sinabi niya na nabigyan na raw kasi ang mga ito ng notice to vacate.
Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan sa kanila ang NBI kaugnay nito at suportado nila ang hakbang dahil may kinalaman ito sa rehabilitasyon sa isla.
Bagama’t sinabi ni Berlandino na may koordinasyon ito sa BIATF, hindi naman raw nila ito mapipigilan dahil may sarili naman na mandato ang NBI.
Matatandaan na kamakailan lang ay sinalakay ng NBI ang apat na iligal na istruktura na itinayo sa forestland kung saan naaresto ang tatlong Pilipino at isang German national.
Sinabi noon ni National Bureau of Investigation (NBI) Special Investigator Rizaldy Rivera na walang titulo ng lupa at Forest Land use Agreement for Tourism Purposes (FLAGT) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga may-ari ng istruktura.
May kaugnayan dito, inihayag ni Bernardino na wala umanong pwedeng mag -apply ng FlagT sa ngayon.
Kasalukuyan kasi na suspendido ang (FLAGT) at wala pa raw sa agenda ng Task-Force ang pagtanggal ng suspensyon dahil ang prayoridad nila ngayon ay ang pagkumpleto ng rehabilitasyon.
Pangunahing layunin nila na linisin ang mga non-buildable zones, 100% compliance sa 25+5 easement rule, road improvement project ng Department of Public Works on Highways (DPWH), drainage improvement ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) at tugon sa pandemya bago magtapos ang kanilang termino sa Hunyo 2022.
Kaugnay naman sa mga istruktura sa forestland, wala raw munang mangyayaring demolisyon dahil ilan sa mga ito ay nagkakahalaga ng bilyon.
”Hahayaan lang muna kasi these are worth billions of pesos yong mga structures na yon sa Mt. Luho. So mas maganda idaan na lang sa korte yong magiging desisyon dyan,” saad pa ni Bernardino.