Aklan News
2 ARESTADO DAHIL SA ILEGAL NA ‘LUCKY 4’ NUMBER GAME


Numancia – Dalawa ang arestado ala 1:30, Miyerkoles ng hapon sa Albasan, Numancia dahil umano sa ilegal na Lucky 4 number game.
Sa ikinasang Anti-Illegal Gambling Operation ng Aklan PPO kasama ang Numancia PNP, naaresto ang mga suspek na sina Mitchell Dioso, 56 anyos ng nasabing lugar, at Jona Menese, 43 anyos ng Poblacion, Kalibo.
Ayon kay PLt.Col. Bernard Ufano, hepe ng Aklan Provincial Intelligence Unit, mag-iisang oras pa lamang umano nilang natanggap ang impormasyon hinggil sa ‘modus’ ng dalawa, na kaagad naman nilang inaksyunan.
Hindi naman nabigo ang mga operatiba dahil na ‘caught in the act’ umano nila ang dalawa habang nagpapataya ng nasabing laro.
Kasunod nito, narekober mula sa kanila ang 3 piraso ng kuteho o ilegal na resibo, P70.00 na marked money, at P6,576.00 na koleksyon.
Hinanapan din umano sila ng kaukulang papeles, subalit wala umano silang naipakita.
Kaagad silang inaresto at ikinustodiya sa Numancia PNP Station habang inihahanda ang kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling Laws na isasampa laban sa kanila.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang dalawa kaugnay ng kanilang pagkakaaresto.
Samantala, sinabi pa ni Ufano, base sa nakalap nilang impormasyon na sa Manila umano ang draw o bola ng nasabing Lucky 4 at pinapadala lamang ang resulta sa pamamagitan ng group chat.
Sinabi pa ni Ufano na nito lamang nakaraang Lunes nagsimula ang operasyon sa Aklan ng nasabing number game.