Aklan News
AKLAN PPO POSITIBONG MAY MALALANTAD PANG SUSPEK SA PAGBARIL-PATAY SA BANKER NA SI JHONALYN MARIBOJO; VAN NA GINAMIT SA PAGTAKAS, NATUKOY NA
Positibo ang Aklan Police Provincial Office o APPO na may malalantad pang suspek na kasama sa pumaslang sa banker na si Jhonalyn Maribojo na matatandaang binaril-patay nitong Oktubre 5 sa Sitio Looban, Barangay Camanci Norte, Numancia.
Ayon kay Aklan Provincial Police director Colonel Ramir Perlito Perlas, naniniwala siya na kasunod ng paglantad ng pangalan ni Bernie Tipay, ang siyang gunman na bumaril-patay kay Mrs. Maribojo ay may susunod pang mapapangalan at mananagot sa karumal dumal na krimen.
Nitong Oktubre 16, pinangalanan ni PLt.Rene Armenio si Tipay bilang gunman na bumaril-patay sa biktimang banker at iba pang kasamahan nito sa isinagawang press conferene Numancia PNP.
Ayon kay P/Col. Perlas, pagkatapos ng insidente ay inatasaan niya ang hepe ng Numancia PNP ng magsagawa ng maid-id na imbestigasyon upang kaagad na ma-aksyunan ang nasabing kaso.
Natukoy umano nila ang mga suspek sa pamamagitan ng sinakyang van na nagsilbing kanilang get-away vehicle at sa mga statement at impormasyon na ibinagay ng mga residenteng nakasaksi sa naturang krimen.
Samantala, ipinahayag ni Perlas na natukoy na nila ang pagkakilanlan ng may-ari ng puting van na ginamit ng mga suspek sa pagtakas kung saan nalaman nilang hindi ito nagmula sa probinsiya ng Aklan.
Sa ngayon aniya ay hindi pa nila puwedeng ihayag ang buong detalye dahil sa nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon.
Dagdag pa nito na sa oras na lumabas na ang warrant of arrest ng mga suspek ay kaagad silang magsasagawa ng manhunt operation upang mahuli at mapanagot na ang mga ito sa ginawang krimen.
Kaugnay nito, ipinasiguro ni Perlas na hindi sila tiitigil sa kanilang imbestigasyon at sa paghahanap sa mga suspek na walang awang binaril-patay ang biktimang si Maribojo upang makamit na ng pamilya nito ang hustisya.