Aklan News
REPRESENTATIVE PARA SA MGA SENIOR CITIZEN NA TATANGGAP NG SOCIAL PENSION, ISINUSULONG NI SB MEMBER TOLENTINO
Isinisulong ni Sangguniang Bayan member Augusto Tolentino ang resolusyon na naglalayong payagan ang mga senior citizen sa bayan ng Kalibo na magkaroon ng representative na hahalili sa kanila sa pagtanggap ng social pension sa darating na Oktubre 21 hanggang 24.
Ayon kay SB Tolentino, ito ay bilang pagsuporta niya sa ipinalabas na memorandum ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakikiusap sa mga senior citizens at persons with disability(PWDs) na magpadala na lamang ng mga kinatawan sa halip na personal na i-claim ang kanilang tulong pinansyal mula sa gobyerno.
Mas makakabuti aniyang magkaroon na lamang ang mga senior citizen ng representante na isa sa miyembro ng kaniyang pamilya na siyang pipila sa kanilang barangay at tatanggap ng nasabing cash grants mula sa DSWD.
Kailangan lamang ayon Tolentino na gumawa ng authorization letter na pirmado ng benepisyaryo at dalhin ang kanilang ID sa itinakdang lugar at araw ng distribusyon.
Pagdidiin pa ng konsehal na mahirap para sa mga senior citizen ang magpunta at pumila pa sa mga designated area ng distribusyon upang matanggap lamang ang kanilang cash grants lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Kung maaalala, sa ilalim ng umiiral na patakaran ngayong COVID-19 pandemic, binabawalan ang mga senior citizen partikular ang nasa edad 65-anyos pataas na lumabas ng kanilang mga bahay.