Connect with us

Aklan News

KASONG ISINAMPA NG MGA KONSEHAL KAY DATING MALAY MAYOR CECIRON CAWALING, IBINASURA NG OMBUDSMAN

Published

on

Ibinasura ng Ombudsman ang kasong isinampa nina Malay Sangguniang Bayan member Dante Pagsuguiron, SB member Lloyd Maming, at dating SB member Jupiter Gallenero laban kay suspended Malay Mayor Ceciron Cawaling dahil sa kawalan ng mabigat na ebidensiya.

Nag-ugat ang nasabing kaso dahil sa paglabag umano ni Cawaling sa Section 3 ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Abuse of Authority/ Grave Misconduct noong 2017.

Ayon sa tatlong konsehal, nilabag ni Cawaling ang ilang ordinansa municipal matapos nitong kunin sa Protected Area Management Board (PAMB) at Malay Fisherfolks and Seaweed Operators Association (MFSOA) ang otoridad na pangasiwaan ang buong operasyon ng mga fish sanctuaries sa isla ng Boracay.

Matatandaang kasunod ng pag-upo ni Cawaling bilang alkalde ng bayan ng Malay ay inilabas niya ang Memorandum 2016-48 kung saan pinalitan nito ang mga empleyado ng munisipyo na namamahala sa fish sanctuaries at inatasan ng alkalde si Joel Gelito na siya ang mangasiwa nito.

Depensa ng dating alkalde na hindi nakasaad sa kanyang Memorandum na papalitan ni Gelito ang PAMB at MFSOA salungat sa alegasyon ng tatlong konsehal.

Binigyan-diin ni Cawaling na ang dapat kumolekta ng mga local taxes, fees at charges ay provincial, city or municipal treasurer o deputized deputies at hindi ang MFSOA na isang pribadong organisasyon.

Paglilinaw pa nito na hindi niya inagaw ang kapangyarihan ng Sangunian dahil sinunod niya lamang ang COA circular na hindi isang unauthorized person ang dapat mangongolekta ng mga local fees at charges sa kanilang bayan.

Dahil dito ay hindi kinatigan ng Ombudsman ang mga kasong isinampa nina Pagsuguiron, Maming, at Gallenero laban kay Cawaling at ibinasura ito dahil sa kawalan ng probable cause at mabigat na ibidensiya laban sa suspendidong alkalde.

Samantala, ayaw pang magbigay ng komento ukol dito ang mga nagreklamong kasapi ng Malay Sangguniang Bayan.