Aklan News
BINATA, SINAKSAK NG LASING NA KAINUMAN
Sugatan ang isang binata matapos saksakin ng kainuman alas 10:30 kagabi sa Candelaria, New Washington.
Nakilala ang biktimang si Rhem John Sucgang, 18 anyos ng Jugas, New Washington, habang nakilala naman ang suspek na si Anfernie De Luna, 21 anyos ng Camaligan, Batan.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulis, magkasama sa inuman ang dalawa nang may naka diskusyon umano ang suspek sa loob.
Pagkatapos ng inuman, nagdesisyon na umano ang biktimang umuwi sakay ng motorsiklo, subali’t humabol pala ang suspek at biglang sinaksak sa likod at bandang pwetan ang biktima.
Kaagad itong dinala sa ospital sanhi ng tinamong sugat, habang naaresto naman ang suspek at kasalukuyang nasa kostodiya ng New Washington PNP para sa karampatang disposisyon.
Samantala, nang makapanayam naman ng Radyo Todo, aminado naman ang suspek na si Anfernie sa kanyang nagawa, subali’t sinabi nito na nalito na siya sa sitwasyon nang pagtulungan umano siyang bugbugin ng mga kasama ng nakasagutan niya sa loob na si Ronel Silvestre.
Kwento pa ng suspek na una umano siyang dinuro-duro ni Ronel, sa hindi niya nalamang dahilan, rason na kanya itong kinumpronta.
Duda pa ng suspek na kinursunada siya nina Ronel, dahil tutol umano ang mga ito na naging jowa niya ang kanilang barkadang babae.