Aklan News
BAHAY, NASUNOG DAHIL SA INIWANG NILULUTO
Nasunog ang isang bahay bandang alas 6:00 kaninang umaga sa Sitio Hagakhak, Baybay, Makato dahil umano sa naiwan niluluto.
Kinilala ni SFO1 John Henry Ildesa ng BFP Makato ang may-ari ng nasunog na bahay na si Ben Salem, 70 anyos ng nasabing lugar.
Lumalabas sa inisyal na imbistigasyon na bandang alas 2:00 kaninang madaling araw nang nagluto umano ng kanilang ibinibentang batchoy sa Makato Public Market ang mag-asawa bago umalis papuntang merkado.
Subalit nagulat na lamang umano ang mga tao sa lugar na nasusunog na ang bahay ni Salem.
Kaagad namang rumesponde ang mga bumbero, subalit malaki na ang apoy at tuluyan nang natupok ang buong bahay.
Bandang alas 7:30 rin mismo kaninang umaga nang ideklarang fire-out ang sunog na nag-iwan ng tinatayang P45,000.00 na halaga ng pinsala.
Wala namang naiulat na nadamay o nasugatan sa nasabing sunog.
Samantala, ayon kay Ildesa, aminado naman umano si Salem na may naiwan pa itong niluluto sa kanilang kusina bago umalis.