Aklan News
TAPYAS SA PASAHE KAILANGANG MAPAG-USAPAN NG IBA’T-IBANG SEKTOR SA BAYAN NG KALIBO
Ipinahayag ni Sangguniang Bayan member Matt Aaron Guzman na komplikadong isyu ang usapin sa tapyas-pasahe sa bayan ng Kalibo kaya’t kailangan muna itong mapag-usapan ng iba’t-ibang sektor.
Aniya nararapat muna itong mapag-usapang mabuti at kung ano ang dapat na ipatupad kasunod ng advisory na maaari ng magsakay ng apat na pasahero ang mga traysikel sa probinsiya sa ilalim ng alert level 2 classification.
Paliwanag pa ng konsehal na ang tanging makakapagsabi lamang kung ano ang totoo ay ang mga tao sa barangay dahil bawat barangay sa bayan ng Kalibo ay iba-ibang ang layo at distansiya.
Saad pa nito na kailangang magkaroon ng “win-win” solution upang hindi maagrabyado ang parehong driver at mga commuter.
Naniniwala naman si SB member Guzman na dapat magkaroon ng adjustment sa pasahe subalit hindi rin umano nila basta lang ito mai-uutos sa mga tricycle driver dahil lamang sa biglaang pagbabago ng panuntunan.
Samantala, ipinasiguro naman nito na sisikapin niyang magkaroon ng pinakamabilis na aksyon para sa nasabing usapin na hindi lalampas sa legal na proseso.