Aklan News
FOKTODAI HINDI PA IPINAPATUPAD ANG APAT NA SAKAY SA TRAYSIKEL SA KALIBO
Hindi pa nagpapasakay ng apat na pasahero ang FOKTODAI o Federation of Kalibo Tricycle Operators and Drivers Association Incorporated.
Ayon kay Mr. Johnny Damian, presidente ng FOKTODAI na nagulat sila sa ipinalabas na advisory ni Governor Florencio Miraflores na maaari nang magsakay ng apat na pasahero ang mga traysikel na pumapasada sa bayan ng Kalibo.
Aniya ang naturang advisory ng gobyerno-probinsiyal ay dapat mapagkasunduan muna sa municipal level bago ipatupad.
Dahil dito ay kaagad na nagdagdag ng mga pasahero ang ilang mga driver at operators matapos na malaman ang bagong patakaran.
Ani Damian hindi na nasusunod ang social distancing at iba pang minimum health protocols na ipinapatupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa mga pasahero.
Kaugnay nito, ipinagbigay-alam niya ang nasabing isyu sa tanggapan ni Sangguniang Bayan Member Matt Aaron Guzman ang chairman ng Committee in Transportation kung saan plano muna nila itong mapag-usapan ng mabuti kung ano ang dapat nilang gawin.
Binigyan-diin ni Damian na ang FOKTODAI ay hindi nagsasakay ng apat na pasahero dahil sinusunod pa rin nila ang nauna na nilang napagkasunduan sa kanilang public hearing na tatlo lamang na pasahero.
Isa aniya sa mga problema kinakaharap nila kung sila’y magsasakay ng apat ay humihingi rin ng discounts ang mga pasahero bagay na hindi rin nila agad mapagbibigyan.
Paliwanag nito na ang tapyas sa pasahe ay hindi puwedeng gawin agad-agad dahil sa dumaan ito sa maraming proseso.
Kaya’t nararapat lamang ayon kay Damian na ito’y mapag-usapan munang mabuti para sa maayos na implementasyon.