Iloilo News
RT-PCR TEST AT QUARANTINE HINDI NA KAILANGAN SA MGA FULLY VAXXED NA ROFs, AT RETURNING RESIDENTS SA ILOILO CITY


Hindi na kailangan ang RT-PCR test sa mga fully vaccinated na returning overseas Filipinos (ROFs), Authorized Persons Outside Residence (APORs), at returning residents sa Iloilo City.
Batay ito sa bagong guidelines ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ngayong nasa ilalim na ng Alert Level 2 ang lungsod hanggang sa katapusan ng buwan.
Nakasaad sa Executive Order No. 137, series of 2021 na hindi na kailangang magsumite ng RT-PCR test result ang ROFs, APORs at returning residents.
Kailangan lang nilang mag-apply ng travel pass sa pamamagitan ng S-Pass System at magpakita ng kopya ng vaccination card.
Hindi na rin sila required na mag-quarantine pagdating sa lungsod.
Para naman sa mga partially o hindi pa bakunado laban sa COVID-19, kailangan ng ROFs na mag-quarantine at isailalim sa RT-PCR testing sa ikatlong araw ng quarantine.
Samantala ang mga APORs at returning residents na partially vaccinated at hindi pa bakunado ay kailangang magpakita ng negative RT-PCR test result na kinuha 72-oras bago ang biyahe at isasailalim din sa quarantine at sa RT-PCR testing.
(With reports from Aksyon Radyo Iloilo)