Aklan News
SUSPEK SA PAGSAKSAK-PATAY SA ISANG TRAYSIKEL DRAYBER, HINDI PA RIN NAKIKILALA


Blangko pa rin ang Numancia PNP sa kung sino ang suspek sa pagsaksak-patay sa isang traysikel drayber, Sabado mga 7:30 ng gabi sa So. Looban, Brgy. Camanci Norte, Numancia.
Nakilala ang biktimang si Wilfredo Tamayo Jr., 39 anyos, at tubong Brgy. Manggan, Banga at kasalukuyang nagboboard sa C. Laserna St., Kalibo, kasama ang kanyang live-in partner.
Maalala na nakita lamang ng ilang residente sa Camanci Norte ang biktimang nakahiga malapit sa isang waiting shed sa kilid ng kalsada at may tama ng pananaksasak sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan partikular sa may kaliwang kili-kili na pinaniniwalaang inabot ang kanyang puso at dahilan ng agarang pagkamatay nito.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Numancia PNP, umalis sa kanilang tinitirhan si Tamayo mga alas 6 Sabado ng gabi para mamasada na halos araw-araw na ginagawa nito.
Basi naman sa kuha ng CCTV mga 6:40 Sabado ng gabi nagpick-up pa ito ng pasahero para ihatid sa lugar kung saan nangyari ang insidente at posibleng pauwi na ito ng tambangan ng suspek.
Tinangay rin umano ng suspek ang minamaneho nitong traysikel na may plate number FA 40638, pula at puti ang kulay ng sidecar matapos hindi na ito makita sa lugar.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng Numancia PNP ang insidente para matukoy ang salarin sa nasabing krimen.