Aklan News
PAMILYA NG DALAWANG NASAWI SA LUMUBOG NA BANGKA, DISMAYADO SA COASTGUARD: “KUNG NAGING MABILIS LANG SILA”
Halos hindi pa matanggap ng pamilya ng dalawa sa mga biktima ng lumubog na bangka nitong Sabado ang nangyaring trahedya sa kanilang kaanak.
Sinisisi ngayon ng pamilya Matore ang mabagal na pag-aksyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kabila ng kanilang ipinaabot na report tungkol sa mga nawawalang sakay ng bangka.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Arjo Matore, kamag-anak ng mga biktimang sina Juden Matore at Mary Jane Maturi Cezar, ipinahayag nito ang labis na pagkadismaya sa PCG.
Nais nitong usisain ang aksyon na ginawa ng PCG dahil kung nagging mabilis lang aniya sila ay posibleng nasagip pa ang buhay ng kanilang mga kaanak.
”Kung mabilis lang sila na nagresponde kaagad, abot na abot pa ito eh kasi diba may mga speedboats naman sila.
“Hindi naman mga hayop itong nareklamo kong nawawala kundi mga tao ito, dapat ganon sila kabilis mag aksyon hindi yung update lang sila ng update na wala naman silang aksyon,” saad nito.
Giit pa ni Matore, hindi kaagad nagsagawa ng search and rescue operations ang PCG.
Kahapon lang rin nila nalaman na patay na sina Juden at Mary Jane batay sa kumpirmasyon ng nag-iisang survivor na si Rolito Casisid na naroon ngayon sa isang ospital sa Palawan.
Matatandaan na sabay na pumalaot ang apat na pasahero ng bangkang “Honey” noong Sabado mula sa Boracay patawid sana ng Romblon nang hampasin sila ng malalakas na alon at lumubog ang bangka.