Aklan News
RESULTA NG PUBLIC HEARING RE: FARE ADJUSTMENT SA MGA TRAYSIKEL SA BAYAN NG KALIBO, ISUSUMITE NA SA PLENARYO
Isusumite na ng Committee on Transportation ng Kalibo Sangguniang Bayan sa plenaryo ang resulta ng public hearing hinggil sa fare adjustment sa mga traysikel sa Lunes, Enero 17.
Ayon kay Sangguniang Bayan member Matt Aaron Guzman, sa nasabing araw ng deliberasyon ay pag-uusapan nila ang pagtapyas sa pasahe sa mga pumapasadang traysikel sa bayan ng Kalibo.
Aniya, ang resulta ng public hearing ng bawat barangay ang kanilang pagbabasehan upang magkaroon na sila ng ordinansa para sa gagawing taripa.
Ito ay upang magkaroon ng konretong pamantayan ang mga drayber at ang mga pasahero para sa kanilang pamasahe.
Pahayag ni Guzman na ang bawat barangay ang nakaka-alam kung ano ang tama at dapat na presyo ng pamasahe sa kanilang lugar.
Saad pa ng konsehal na maraming reklamo ang natatanggap ng kanyang opisina hingil sa mga mapagsamantalang mga drayber na labis kung maningil sa kanilang mga pasahero.
Upang maiwasan na ang ganitong insidente, mas makabubuti ayon kay Guzman na magkaroon na sila ng pinal na pag-uusap at desisyon ukol dito.
Samantala, pinaalalahanan nito ang publiko na kung sakaling mabiktima ng mga mapagsamantalang mga traysikel drayber ay kaagad umano itong i-report sa kapulisan upang magkaroon ng record at mabigyan ng kaukulang leksyon.