Aklan News
DILG, INUTUSAN ANG MGA LGU NA GUMAWA NG ORDINANSANG MAGBABAWAL SA MGA UNVACCINATED NA SUMAKAY SA MGA PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON
IPINAG-UTOS ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Units na gumawa ng ordinansa na nagbabawal sa mga di-bakunado kontra COVID-19 na sumakay sa mga pampublikong transportasyon.
Ito ay batay sa memo ni DILG Provincial Director Engr. Carmelo Orbista nitong Enero 27, 2022 na nakabase naman sa regional memorandum ni Regional Director Juan Jovian Ingeniero na may petsang Enero 25, 2022.
Alinsunod ito sa memo na inilabas ng DILG Central Office na nag-uutos sa mga opisyal na gumawa ng batas kaugnay sa pagbabawal sa mga di-bakunado na sumakay sa mga pampublikong sasakyan kagaya ng ipinatupad sa National Capital Region (NCR).
Hindi kabilang sa naturang polisiya ang mga indibidwal na may medical conditions, ang mga bumibiyahe para bumili ng essential goods at services at ang mga pupunta sa vaccination sites para magpabakuna.
Inutusan ng DILG ang PNP Highway Patrol Group na tumulong sa implementasyon ng nabanggit na polisiya. MAS/RT
Continue Reading