Aklan News
ANAK, SINAKSAK NG LASING NA AMA


Kaagad isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos umanong saksakin ng sariling ama bandang alas 9:00 kagabi sa Purok 1, Navitas, Numancia.
Nakilala ang biktimang si Glenn Alicante, 37 anyos, habang nakilala naman ang kanyang ama na si Jose Alicante, 66 anyos, kapwa mangingisda at residente ng nasabing lugar.
Base sa paunang imbestigasyon ng Numancia PNP, tulog na umano ang biktima nang dumating sa kanilang bahay ang lasing na ama.
Sinasabing nag-iingay at nag-iskandalo umano ang ama, bagay na sinaway ng biktima.
Dahil dito, nagalit umano ang ama, at kumuha ng kutsilyo, at sinaksak ang anak, na kaagad tinamaan sa kaliwang binti at kaliwang braso.
Kaagad namang naaresto sa kanilang bahay ang suspek, at kasalukuyang nasa kustodiya ng Numancia PNP para sa karampatang disposisyon.
Samantala, sa panayam ng Radyo Todo, aminado naman ang ama na lasing siya kagabi, subali’t iginiit nito na wala siyang naalala sa nangyari.
Kaagad namang nakalabas ng ospital ang kanyang anak dahil hindi naman malubha ang kanyang mga sugat.