Aklan News
SEGURIDAD SA KALIBO PUBLIC MARKET HINIGPITAN KASUNOD NG NANGYARING PAGNANAKAW NG ISDA
HINIGPITAN ngayon ng Kalibo Public Market ang kanilang ipinapatupad na seguridad kasunod ng nangyaring pagnanakaw ng isda nitong nagdaang gabi.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Market Supervisor Mr. Abel Policarpio sinabi nito na inatasan na niya ang kanilang mga guwardiyang nagbabantay kung gabi na magsagawa ng pagpapatrolya sa loob at labas ng Kalibo Public Market.
Aniya, ang mga suspek sa nasabing nakawan ay mga menor-de-edad.
Dagdag pa ni Policarpio, hindi lang ito ang unang insidente ng pagnanakaw sa Kalibo Public Market na mga menor-de-edad ang salarin.
Malaking problema aniya para sa mga negosyante ng merkado publiko ang mga naturang menor-de-edad dahil ang mga ito rin ang suspek nila sa mga nauna nang insidente ng pagnanakaw.
Kaugnay nito, pina-alalahanan ni Policarpio ang mga tindera at negosyante ng palengke na siguraduhin ang kanilang mga paninda bago iwanan upang hindi masalisihan ng mga magnanakaw.