Aklan News
PRESIDENTIAL ASPIRANTS MAGKAKAIBA ANG POSISYON SA BIDA BILL
MAGKAKAIBA ang reaksyon ng limang presidential aspirants hinggil sa Boracay Island Development Authority (BIDA Bill) sa katatapos lang na ‘Panata sa Bayan: The Presidential Candidates Forum’ na inorganisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Ang tanong ay iprinesenta ni Serafin Plotria mula sa KBP Visayas.
Narito ang buong tugon ng mga presidential aspirants:
Sen. Ping Lacson: “Yes I will, kasi importante. Ito ‘yung isang essence lang ng tourism industry. Bigyan natin ng pagkakataon ‘yong talagang tourism area. Magkaroon tayo ng parang tourism estate mentality, na kung saan makapag-attract at ma-develop talaga iyong tourism, especially yung Boracay, kinikilala sa buong mundo. At dahil may pandemya, puwede rin mag-shift sa domestic tourism kasi pinupuntahan din ng ating mga kababayan ang Boracay. So pipirmahan ko ‘yong batas na tungkol sa Boracay.”
Sen. Manny Pacquiao: “Unang-una po, magtiwala po tayo sa kakayahan ng DOT natin, nandyan din yung DENR para mag-supervise ng lahat nang ‘yan. Siguro po, sapat na ‘yong DOT natin para po mapangalagaan, protektahan, i-improve…I-develop ‘yang Boracay po. Pangalawa po, magkaroon ng consultation sa mga tao, i-konsulta natin ‘yung mga tao kung gusto nila o hindi. Depende na po sa LGU ‘yan kung gusto nila. Pero sa akin po, kailangan pa ba iyon, nand’yan na ‘yong DOT natin na nakatutok po d’yan. Makipagtulungan lang po siguro sa local government ang ating DOT para po matutukan ang development o improvement ng isang lugar.”
VP Leni Robredo: “Hindi ko pipirmahan. Well agree ako na mahalaga na maayos ang Boracay through a tourism authority ang hindi ako dito agree na nawawalan ng boses ‘yong stakeholders, nawawalan ng boses ‘yong local government unit. So kung aayusin ‘yan, gawin niyo ang lahat ng paraan kung aayusin pero hindi puwedeng alisin yung boses ng mga maaapektuhan.”
Leody de Guzman: “Iyan ang isa sa mga potensiyal natin, sa karakter nung ating bansa. Iyan ang magiging potensiyal natin sa pagbangon ng ating ekonomiya, mabilis na pagbangon ng ating ekonomiya. Ang kinakailangan lang natin ay sisiguraduhin lang natin talaga na ‘yong participation ng ating mga komunidad ay mangyari na masusunod para nang sa ganun ay maririnig ‘yong boses nung lahat ng mga kasangkot sa mga proyekto ating gagawin.”
Mayor Isko Moreno: “No. Unang-una hindi lang boses ang dapat kunin sa mga stakeholders. Iyong kita na ‘yon, dapat na mapag-yabong doon sa local government na ‘yon. Marapat lamang na na-enjoy nila yung yamang-dagat o turismo o mineral sa kani-kanilang pamahalaan. And I do believe na there is enough law already addressing our tourism regulation. So sa akin, para hindi na tayo magdagdag ng gastusin sa gobyerno, h’wag na tayong magdagdag ng bureau na meron namang nag-e-exist ngayon na sapat, epektibo at mga lokal na pamahalaang nakikinabang sa ekonomiya, trabaho at hanapbuhay at negosyo sa lugar na ‘yon. Kung baga, let us not fix something that is not destroyed, o hindi naman sira, kailangan pa ba nating ayusin. In fact, it’s another way around, the national government should support the local government in that area.”
Tumanggi naman si dating Sen. Bongbong Marcos na dumalo sa nasabing presidential forum kung saan nirespeto naman umano ito ng KBP.
Magugunitang nagpahayag ng mariing pagtutol ang Aklan Provincial Government sa isinusulong na panukala sa kongreso may kinalaman sa pagtayo ng Boracay Island Development Authority (BIDA) na isa sa mga nais bigyang prayoridad ni Presidente Rodrigo Duterte.
Source: CNN Philippines