Aklan News
5 MANGINGISDA NA NAGPALUTANG-LUTANG SA DAGAT, NASAGIP
Nasagip sa bayan ng Makato ang limang mangingisda na kahapon pa palutang-lutang sa dagat matapos lumubog ang kanilang bangka.
Kinilala ang kapitan ng bangka na si Edmund Pastrana, 38 anyos at ang mga kasamahan nitong sina Andrew Pastrana, 55 anyos; Edgar Lachica, 62 anyos; Jonel dela Cruz, 34 anyos at Kevin Malana, 28 anyos, lahat mga taga Brgy. Cawayan, New Washington.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, lumalabas na pasado alas-9:00 kaninang umaga nang masagip ang lima makaraang matagpuan sila ng mga kapwa mangingisda na sina Glen Tipay at Ernie Tipay na palutang-lutang sa dagat na sakop ng Brgy. Baybay, Makato.
Mabilis na tinulungan ng dalawa ang lima at dinala sa baybayin.
Ayon sa mga nasagip na mangingisda, lumubog ang kanilang bangka nang sirain ng malakas na alon dakong alas-4:00 nitong Biyernes (Pebrero 5) ng hapon.
Mapalad naman na walang tinamong sugat ang mga biktima na kaagad inasikaso ng Brgy. Baybay, Brgy. Council bago ipinasundo sa New Washington MDRRMO.