Aklan News
AKELCO AT MGA TELEPHONE AT CABLE COMPANIES MAG-UUSAP TUNGKOL SA MGA POSTE AT SPAGHETTI WIRES SA AKLAN
NAKATAKDANG mag-usap bukas ang Aklan Electric Cooperative (AKELCO) at ang mga telephone at cable companies upang pag-usapan kung paano maayos ang problema sa spaghetti wires at ang pagsasagawa ng retirement ng mga poste sa lalawigan.
Sa panayam ng Radyo Todo kay AKELCO Acting General Manager Atty. Ariel Gepty, sinabi nito na muli nilang ipinatawag ang nasabing mga kompanya dahil hindi ito sumipot sa isinagawang ‘Saguibin’ nitong Enero 29.
Aniya, mahalagang maayos ang mga kable ng kuryente at kable ng mga telcos sa lalawigan ng Aklan upang hindi na magkaroon ng domino effect at hindi na madamay pa ang iba.
Saad ni Gepty, mas mabuting mapag-usapan nila kung paano nila maitama at maayos ang mga maling gawi lalo na sa pagkakabit ng mga kable at upang maayos at mapaganda ang bayan ng Kalibo at lalawigan ng AKlan.
Positibo rin si Gepty na darating ang panahon na maisasakatuparan din ang planong magkaroon ng Underground Cable System sa lalawigan.
Aniya pa hindi ito imposibleng mangyari kung ang lahat ay magtutulungan at magpakita ng kooperasyon gayundin kung ito’y sisimulan na ngayon.
Samantala, ipinahayag ni Gepty na 67 lumang poste ang kanilang pinull-out at mayroon pang 15 poste ang kanilang kailangan kunin sa susunod retirement activity ng AKELCO.
Darating din bukas si National Electrification Administration (NEA) Administrator Emmanuel Juaneza, para sa kaniyang nakatakdang COOP visit sa mga electric cooperative sa buong isla ng Panay.