Aklan News
EKONOMIYA NG BORACAY ISLAND, UNTI-UNTI NG NAKAKABAWI KASUNOD NG PAGLUWAG NG TRAVEL RESTRICTIONS


UNTI-UNTI nang nakakabawi ang ekonomiya ng isla ng Boracay kasunod ng muling pagluwag ng travel restrictions sa lalawigan ng Aklan.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos sinabi nito na ito ay bunsod ng pagtanggal ng negative RT-PRC result bilang requirement sa mga turistang fully vaccinated na papasok sa isla ng Boracay.
Aniya, dahil dito ay umaabot na hanggang isang libong turista ang pumapasok sa isla ng Boracay kada araw.
Dagdag pa ni delos Santos simula Pebrero 1 hanggang 9 ay umaabot na sa 13,872 ang naitalang tourist arrival sa isla.
Ang nasabing pagluwag ng restrictions ay batay sa ipinalabas na Executive Order No. 001-A Series 2022 ni Aklan Governor Florencio Miraflores nitong Pebrero 1.
Nauna nang ipinahayag ni Delos Santos sa Radyo Todo na simula na gawing requirement ang negative RT-PRC result ay bumagsak na ang tourist arrival sa isla.
Saad nito na mula sa 3,000 hanggang 4,000 tourist arrival sa loob ng isang araw ay bumaba ito sa 300 hanggang 400 na lamang.
Ngunit noong isinailalim sa Alert Level 2 ang lalawigan ng Aklan noong nakaraang taon, dumagsa ang mga turista sa isla kung saan umabot sa tatlo hanggang anim na libong turista ang bumisita sa Boracay noong buwan ng Nobyembre at Disymebre.
Samantala, kinumpirma ni Delos Santos na may ilan ng mga hotel sa isla ng Boracay ang nakatanggap ng bookings mula sa mga foreign tourist.