Aklan News
BORACAY ISLAND BALIK SIGLA NA ULIT DAHIL SA PAGPASOK NG FOREIGN TOURIST
Balik sigla na ulit ang isla ng Boracay matapos buksan ang bansa sa mga foreign tourist mula sa 157 visa-free countries nitong Pebrero 10.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix Delos Santos malaki ang kanilang pasasalamat sa naging hakbang ng pamahalaan dahil unti-unti na silang nakakabangon sa isla lalo na ang ekonomiya ng Boracay.
Sa katunayan ayon kay Delos Santos simula nitong Pebrero 1 hanggang 14 ay nakapagtala ang Malay Tourism Office ng 29, 182 tourist arrival.
Samantala mayroon nang 36 foreign tourist ang bumisita sa isla ng Boracay at ang mga ito’y nagmula sa Germany, United Kingdom, USA, at ilang mga bansa mula sa Asean countries.
Ibinahagi din ni Delos Santos na nitong Pebrero 14, mayroong kabuuang 2,491 na turista ang nagdiwang ng araw ng mga puso sa Boracay.
Sa kabilang banda, inaasahan ng Malay Tourism Office na sa darating na Pebrero 16 kasabay ng pagbaba sa Alert Level 2 status ng lalawigan ng Aklan ay mas pang dadami ang mga tutungo sa isla.
Ito ay malaking bagay ayon kay Delos Santos upang maka-recover naman ang tourism industry ng Boracay gayundin na matulungan ang mga negosyante at business owners na lubos na naapektuhan ng pandemya dulot ng COVID-19.
Nito lamang Pebrero 11 kasabay ng pilot run ng Resbakuna sa Botika sa Watsons City Mall, Boracay ay masayang ibinida ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang kagandahan ng isla kung kaya’t ito aniya ang kanyang inirerekomenda na puntahan sa lahat ng mga nagtatanong sa kanya.