Aklan News
WANTED SA KASONG RECKLESS IMPRUDENCE RESULTING IN HOMICIDE, ARESTADO
Arestado ng Tangalan PNP ang isang lalaking may warrant of arrest sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.
Sa bisa ng warrant of arrest (Criminal Case No.1626-T) na ibinaba ni Presiding Judge Wilfredo P. Paciente ng MCTC Makato Tangalan nito lamang nakaraang Lunes (February 14, 2022), dinakip ng mga pulis ang akusadong si Jifrel Talamisan, 25 anyos ng Purok 6, Baybay, Tangalan.
Pansamantala siyang ikonostodiya ng Tangalan PNP para sa karampatang disposisyon, subali’t pansamantalang makakalaya kapag makapagpiyansa ng P60,000.00.
Nabatid pa sa report na nagawa umano ni Talamisan ang krimen noon pang nakaraang taon, nang aksidente umano nitong nabangga ang biktimang si Herminigildo Yatar, 67 anyos na nakasampa noon sa kanyang motorsiklo at naghahakot ng buhangin.
Sinasabing kapwa rin sugatan ang dalawa sa insidente at dinala sa ospital, subali’t binawian kinalaunan ng buhay ang biktima habang ginagamot doon.
Nabatid na sinampahan ng kaso si Talamisan sa pamamagitan ng regular filing, nang hindi umano nito natupad ang obligasyong tulong sa pamilya ng biktima.