Aklan News
COMELEC-AKLAN NILINAW NA SAKOP NG PANUNTUNAN SA CAMPAIGN MATERIALS ANG MGA NASA PRIVATE PROPERTIES
Sakop ng inilabas na panuntunan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga campaign materials na nakalagay sa mga private properties.
Ito ang paglilinaw ni Comelec-Aklan Spokesperson Crispin Raymund “Dodoy” Gerardo sa panayam ng Radyo Todo kasunod ng kanilang isinagawang “Oplan Baklas” sa mga campaign materials na hindi sumusunod sa itinatakdang laki at haba gayundin ang mga nakasabit o nakalagay sa mga ipinagbabawal na lugar.
Aniya, kahit inilagay ito sa mga private properties, kailangan pa rin sumunod ng mga kandidato sa itinatakdang panuntunan ng Comelec.
Binigyan-diin naman ni Gerardo na hindi nila ipinagbabawal ang pagkakabit ng mga posters kundi nire-regulate lamang ito ng COMELEC.
Samantala, naka-pokus pa ngayon ang COMELEC-Aklan sa pagbabaklas ng mga campaign materials ng mga national candidate at hindi pa nila puwedeng tanggalin ang campaign materials ng mga lokal na kandidato dahil hindi pa nagsisimula ang campaign period para sa kanila.
Aminado din ang Comelec-Aklan na hindi masusunod ang ipinapatupad ng minimum health standards lalo na ang physical distancing dahil hindi maiiwasan ang pagdami at pagkumpulan ng mga tao lalo na sa mga isinasagawang campaign rallies.
Ngunit ipinasiguro ni Gerardo na nakipag-ugnayan na sila sa Philippine Nation Police (PNP) upang mabigyan ng solusyon ang nasabing problema.
Sa kabilang banda, kinumpirma ni Gerardo na hindi dumaan sa Comelec-Aklan Office ang disqualification case ng ilang mga kandidato sa bayan ng Makato, Aklan.
Sa ngayon aniya’y wala pa silang natatanggap na kopya ng petisyon dahil ito ay nakabinbin pa sa legal division ng Comelec Central Office.