Aklan News
LASING NA NAALIMPUNGATAN AT NANUNTOK DAHIL SA KANTA, TINAGA NG KAINUMAN
Sugatan ang isang lasing matapos tagain ng kainuman matapos umanong maalimpungatan at manuntok dahil sa kanta ng mismong kainuman, kahapon ng hapon sa Lumaynay, Altavas.
Nakilala ang biktimang si Bengie Delos Santos, 27 anyos, at ang suspek na si Joey Cuadrante, 40 anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.
Base sa imbestigasyon ng pulis, nag-iinuman noon ang dalawa sa bahay mismo ng suspek hanggang sa nakatulog na umano doon ang biktima.
Subali’t nagising umano ito dahil sa kanta ng suspek, kung saan bigla na lamang umano nitong sinuntok ang nakatulugang kainuman.
Sa panayam naman ng Radyo Todo kay Cuadrante, ilang beses umano siyang sinuntok ni Delos Santos, kung kaya’t dali-dali itong pumunta sa bahay ng kanyang lola at kumuha ng itak.
Kasunod nito, kaagad umano niyang binalikan si Delos Santos at pinagtataga, rason ng mga sugat nito sa katawan.
Kaagad namang isinugod sa Altavas Hospital ang biktima, habang naaresto naman ang suspek. Kasalukuyan siyang nasa piitan ng Altavas PNP Station para sa karampatang disposisyon.