TODO Espesyal
Kagawad na lasing, nagsayaw nang hubo sa sabungan
Posibleng patawan nang iba’t ibang kaso ang barangay kagawad na kumalat ang video ng pagtatanggal ng kanyang damit at nagsayaw nang nakahubad sa loob ng sabungan sa Calasiao, Pangasinan.
Ayon sa Calasiao Municipal Local Government Operation (CMLGO), maaaring maharap si Barangay Poblacion West Kagawad Eduardo Laforteza sa paglabag sa Republic Act No. 6713 o mas kilala bilang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees dahil sa ginawa nitong pagsasabong, habang paglabag sa Conduct unbecoming an Official naman dahil sa ginawa nitong paghubad sa publikong lugar.
Ayon sa CMLGO, base umano sa sinusunod nilang batas, “no complain, no case” ang mangyayari kung saan kung walang nagreklamo ay hindi masasampahan ng kaso ang naturang opisyal.
Kumalat ang kuhang video ni Laforteza habang nasa loob ng sabungan kung saan makikita na bago ilaban ang hawak nitong manok ay kanya pa itong hinalikan.
Matapos nito ay isa-isa nang hinubad ni Laforteza ang suot na sapatos, damit maging ang kanyang pantalon saka nagsayaw-sayaw. Pantanggal daw aniya ito ng malas, sapagkat natalo na ang dalawa niyang panabong na manok.
Napag-alaman na nasa impluwensiya ng alak si Laforteza nang mangyari ang kanyang paghuhubad at pagsasayaw sa loob ng sabungan.
Article: Abante TNT