Aklan News
IMBESTIGASYON SA KASONG ADMINISTRATIBO LABAN KAY MADALAG MAYOR ALFONSO GUBATINA, SINUSPINDE DAHIL SA NALALAPIT NA ELEKSYON
Sinuspinde muna ng Sangguniang Panlalawigan Investigating Committee ang isinasagawang imbestigasyon sa reklamong administratibo na isinampa laban kay Madalag Mayor Alfonso Gubatina.
Ito ang naging pahayag ni SP member Emmanuel Soviet Russia Dela Cruz, Chairman ng binuong special investigating committee na siyang may hawak sa nasabing kaso.
Ayon kay SP Dela Cruz, ito ay bilang pagtalima sa Section 62 paragraph C ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991 na nag-uutos na suspendehin muna ang lahat ng isinasagawang imbestigasyon laban sa mga lokal na opisyal ng gobyerno siyamnapung araw bago ang nakatakdang halalan.
Sa rekomendasyon ng komitiba, nais nilang i-archived o ihinto na lamang ang ginagawang imbestigasyon sa nasabing kaso subalit sa kalaunan ay napag-desisyunan ng plenaryo na suspindihan na lamang ito pansamantala hanggang sa matapos ang halalan sa buwan ng Mayo.
Dagdag pa ni Dela Cruz na may natitira pang mahigit dalawang buwan pagkatapos ng eleksyon ang komite para makapag-desisyon bago pa man umupo sa pwesto ang 19th Sangguniang Panlalawigan ng Aklan.