National News
LOCAL GOVERNMENT OFFICIALS SA AKLAN, HINIHIKAYAT NA MAGING RESERVIST NG AFP
Hinihikayat na maging reservist ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang lahat na mga lokal na opisyal ng gobyerno sa buong lalawigan ng Aklan.
Kasunod ito ng isinagawang legislative inquiry ng Committee on Disaster Preparedness and Peace and order at Committee on Laws Rules and Ordinances ng Aklan Sangguniang Panlalawigan alinsunod sa ipinalabas na kautusan ng Department of the Interior and Local Goverment.
Ang nasabing kautusan ng DILG ay nakasaad naman sa Section 44 Article 8 ng Republic 7077 o ang Reservist Act of the Phillipines na nagsasabing ang elected officials at presidential appointees ay pwedeng ikomisyon anumang oras sa reserve force ng Sandatahang Lakas ayon sa umiiral na batas ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ito ay bilang paghahanda ng ating bansa sa panahon ng rebelyon upang pabagsakin ang ating gobyerno o sa panahon ng pananakop ng mga dayuhang bansa.
Samantala sa isinumiteng joint committee report ng nasabing mga komitiba, inirekomenda sa plenaryo ang pagpasa ng resolusyon na humihimok sa lahat ng ehekutibo na hikayatin ang lahat ng mga government officials na maging reservist ng AFP.