Aklan News
NAKAPARADANG TRAYSIKEL, SINALPOK NG MOTORSIKLO, 3 SUGATAN


Balete – Tatlo ang sugatan matapos salpukin ng isang motorsiklo ang nakaparadang traysikel mag-aala 1:00 kaninang hapon sa highway ng Poblacion, Balete.
Nakilala ang mga biktimang sakay ng motorsiklo na sina John Ronald Velasco, 19 anyos na driver, at angkas nito na si Ryan Navarra, 18 anyos, kapwa residente ng Calizo, Balete, at ang traysikel driver na si Jorly Ambrocio, 55 anyos ng Morales, Balete.
Kuwento ng driver na si Ambrocio, galing siya sa direksyon ng Kalibo, at pumarada nang pa u-turn sa gilid ng kalsada para sunduin ang kapatid nang biglang salpukin ng motorsiklo nina Velasco.
Ayon pa kay Ambrocio, malakas umano ang pagkakabangga nila, rason na tumilapon sa loob ng kanyang traysikel ang isa sa kanila.
Kaagad namang dumating ang mga rescuer at ginamot ang mga biktima, habang inilipat sa isang ospital sa Kalibo sina Velasco at Navarra.
Nagtamo naman ng mga gasgas at iba pang pinsala sa katawan si Ambrocio, matapos mahulog mula sa kanyang traysikel.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Balete PNP sa insidente, para sa karampatang disposisyon.