Aklan News
MURANG KURYENTE PARA SA MGA PINOY, PATULOY NA ISUSULONG NI SEN. WIN GATCHALIAN
Marami pang batas na nais isulong si Senator Win Gatchalian para mapababa ang presyo ng kuryente.
Ayon sa Chairman ng Committee on Energy ng senado na si Gatchalian, isinulong niya ang ipinatutupad na ngayong Murang Kuryente Act na nagpababa sa halaga ng kuryente sa 89 centavos per kph.
Dahil dito, ang mga ordinaryong pamilya raw ay nakakatipid ng halos P200 per month na katumbas ng 5 kilong bigas.
Bukod sa nabanggit na batas, itinutulak rin ng senador ang Competitive Selection Process (CSP) para masiguro ang transparent o malinaw na proseso ng bidding sa pagbili ng kuryente para makamit ang pinakamababang presyo nito.
“Dapat alam ng mga consumers kung magkano ang binibili ng mga distributors hindi lang limitado sa mga nagsusupply ng kuryente,” saad ng mambabatas.
Kaugnay nito, bukas rin ang isipan ng senador sa paggamit ng nuclear energy pero dapat na maging transparent ang gobyerno sa mga nadiskubre tungkol sa paggamit ng nuclear.
Ayon kay Gatchalian, noong 2018, pinondohan ng senado ang pananaliksik tungkol sa paggamit ng nuclear na ginastusan ng P266 milyon ng gobyerno pero hanggang ngayon ay hindi pa nila nakikita kung ano ang resulta ng naging pananaliksik.