Aklan News
MISTER PATAY, BUNTIS NA MISIS SUGATAN NANG MABANGGA NG PICK-UP
Imbes na pauwi na sana galing sa trabaho, nauwi sa morgue ang isang mister matapos bawian ng buhay sa aksidenteng naganap kagabi, Marso 11 sa Brgy. Mabilo, Kalibo.
Habang kasalukuyang, nagpapagaling sa ospital ang kanyang buntis na misis na nagtamo naman ng bukol at gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat, habang binabaybay ng mag-asawa ang kahabaan ng Kalibo papuntang New Washington, nabangga ito ng kasalubong na pick-up na minamaneho ng lasing na drayber na si Aladin Vipinosa, 46 anyos ng Roxas City, Capiz.
Malalang tama sa ulo ang tinamo ng drayber ng traysikel na si Cris Herradura, 30 anyos.
Hindi tumigil ang mga rescuer sa pag-revive sa kanya habang dinadala sa ospital pero idineklara itong dead-on-arrival pagdating sa DRSTMH.
Samantala, nakatalon naman sa traysikel ang misis ni Cris na si Mary Joy na dinala naman sa isang pribadong ospital sa Kalibo.
Kasalukuyang nakakulong sa Kalibo PNP ang drayber ng pick-up na si Vipinosa.