Aklan News
COMELEC-AKLAN: ANG PAGHINGI SA KANDIDATO AY VOTE BUYING AT MAARING MAKULONG
Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) Aklan sa mga kandidato at botante laban sa pamimigay at paghingi ng pera o anumang bagay na may halaga kapalit ng kanilang boto.
Paliwanag ni Comelec-Aklan Spokesperson Crispin Raymund Gerardo, maituturing kasi itong vote-buying, o pamimili at pagbebenta ng boto na labag sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Babala pa ni Gerardo na kapag napatunayang sangkot sa vote-buying ang isang kandidato ay maaari itong maharap sa disqualification case at hindi na rin papayagan pang makaboto sa mga susunod na halalan at humawak ng anumang puwesto sa gobyerno.
Binigyan-diin pa ni Gerardo na hindi lamang ang mga namili ng boto ang mananagot kundi pati na rin ang mga botante na tumanggap o humingi ng pera o material na bagay ngayong panahon ng kampanya hanggang sa araw ng halalan.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, isa hanggang anim na taon na pagkakakulong ang parusa sa nagbebenta at namimili ng boto.
Kaya paalala ng COMELEC, dawat iwasan muna ng mga botante ang paghingi sa mga politiko ngayong panahon ng halalan.
Giit pa nito na kailangan bumoto na naayon sa konsensiya at kapasidad ng isang kandidato na mamahala sa gobyerno at hindi dahil sa ibinigay o natanggap na pera o bagay na may halaga.
Sa kabilang panig, pinaalalahanan din ni Gerardo ang mga coordinator at supporters ng bawat kandidato na maging responsable lalo na sa paglalagay ng kanilang mga campaign materials.
Tiyakin aniya na nakalagay ito sa tamang poster areas dahil ang kanilang kandidatong sinusuportahan din ang masisira kapag hindi sila sumunod sa mga alituntunin na ipinapatupad ng comelec.
Samantala, nagpahayag na rin ng kahandaan ang COMELEC-Aklan sa pagsisimula ng campaign period para sa mga local na kandidato sa Biyernes, Marso 25.