Aklan News
TASK FORCE PDEA TOP AID, BINUO UPANG TUTUKAN ANG ILLEGAL DRUGS SA MGA TOURIST SPOT
Mas pinaigting pa ng pamahalaan ang kampaniya kontra iligal na droga kasabay na muling pagdagsa ng mga turista tutungo sa iba’t-ibang tourist destination sa bansa kasabay ng pagluwag ng COVID-19 restrictions.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Intelligence Agent V Jane Fatima M. Tuadles, Provincial Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Aklan, sinabi nito na lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, Philippine National Police o PNP at Department of Tourism (DOT) para dito.
Aniya sa ilalim ng nasabing kasunduan ay itinatag nila ang PDEA Tourism Operation Protection Against Illegal Drugs (PDEA TOP AID) kung saan layunin nitong mas mapalakas pa ang mga programa kontra iligal na droga sa mga lugar na madalas dinadagsa ng mga tao katulad ng isla ng Boracay.
Saad pa nito na ito kasi ang mga lugar na maaaring maging target ng mga sindikato para pagbagsakan ng mga iligal na droga.
Binigyan-diin pa ni Tuadles na maliban sa mga local tourist ay tututukan din ng nasabing task force ang mga foreign tourist dahil sa ito aniya ang madalas gamitin ng mga sindikato na magpasok ng iligal na droga sa bansa.