Aklan News
HOMICIDE-SUICIDE ANG IKINAMATAY NG TURISTANG PINOY AT AUSTRALIAN NATIONAL SA ISANG RESORT SA BORACAY


Lumabas sa imbestigasyon ng Malay PNP na homicide-suicide ang ikinamatay ng dalawang turista na natagpuang nakahandusay at wala ng buhay sa isang resort sa Brgy. Balabag, Boracay Island.
Sa panayam ng Radyo Todo kay P/Lt.Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay PNP, inihayag nito na batay sa resulta ng medico-legal ng 44-anyos na Australian national na kinilalang si Maria Cecilia Jellicode, namatay ito dahil sa sakal.
Samantalang, loss of blood naman aniya ang ikinamatay ng turistang Pinoy na si Dennis Yu Villaluz matapos itong maglaslas sa kanyang dalawang binti.
Pinaniniwalaang nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa bago ang insidente hanggang sa umabot sa puntong nasakal nito ang babae hanggang sa namatay at pagkatapos ay nagdesisyon nitong kitilin na lamang ang buhay sa pamamagitan ng paglaslas gamit ang cutter.
Aniya pa, bago ito, nakita pa sa CCTV footage na lumabas ng kanilang hotel room ang lalaki at hindi na kasama nito ang babae kung saan pinaniniwalaan ng mga kapulisan na bumili ito ng cutter na siyang ginamit niya sa kanyang pagpapatiwakal.
Pahayag pa ni De Dios, case closed na ang nasabing kaso matapos na magpahayag ang pamilya ng magkabilang panig na kumbinsido na sila sa resulta ng eksaminasyon.