Economy
Rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo asahan bukas Abril 5
Inaasahang magkakaroon ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo simula bukas, Abril 5, 2022.
Ayon sa fuel price forecast ng Unioil Petroleum Philippines, sinabi nito na maaaring bumaba ng P1.80 kada litro ang presyo ng diesel at P2.00 kada litro naman ang rollback ng gasolina.
Habang, batay sa isang oil industry source, sinabi nito sa GMA News Online noong Sabado na maaaring bumaba hanggang P2.28 kada litro ang presyo ng diesel.
Samantala, maaaring bababa ng P2.79 kada litro ang halaga ng gasolina.
Kadalasang pinapahayag ng mga fuel firms ang mga price adjustments tuwing Lunes at ipapatupad ito sa susunod na araw.
Sa panayam ng Dobol B TV, kinumpirma ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau director Rino Abad na magkakaroon ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo.
“Medyo malaki ang rollback [pero] hindi kasing laki nu’ng increase noong nakaraang linggo pero malaki itong rollback,” sinabi ni Abad.
“Sa diesel, higit sa dalawang piso ang bawas-presyo. May rollback din sa gasolina at kerosene,” dagdag niya.
Noong Marso 29, pinatupad ng mga fuel firms ang pag-taas ng presyo ng gasolina kung saan umabot ito ng P3.40 kada litro para sa gasolina, P8.65 kada litro para sa diesel at P9.40 naman kada litro sa kerosene.
Kasalukuyan, ang lokal na presyo sa petrolyo ay umaabot ng P70.00 hanggang P80.00 kada litro, depende sa grade. Simula Enero, ang kabuuang tinaas ng gasolina ay P18.30 at P27.85 naman sa diesel.
“Kung tuloy-tuloy ang peace talks sa pagitan ng Russia at Ukraine at wala nang sanctions from EU, wala na tayong inaasahang reversal nang tuloy-tuloy na pagganda ng presyo ng langis,” ayon kay Abad.
(GMA News)