Aklan News
PAG-TRANSFER NG MGA VENDORS MULA SA TOTING REYES ST. PAPUNTANG 19 MARTYRS ST., HINDI NATULOY
Hindi na matutuloy ang planong pag transfer ng mga vendors na nagtitinda sa gilid ng toting Reyes St. papunta sa katabi nitong kalye ng 19 Martyrs St., Kalibo.
Ito ang pahayag ni Kalibo Mayor Emerson Lachica sa panayam ng Radyo Todo matapos ang isinagawang pulong ng kanyang tanggapan at ng Municipal Economic Enterprise Development Department head Mary Gay Joel kasama ang mga stall holders ng Kalibo public market.
Sa nasabing pulong ay napagkasunduan na mananatili muna pansamantala ang mga vendors na magtinda sa Toting Reyes kung saan karamihan sa mga ito ay nagmula din sa iba’t-ibang barangay sa bayan ng Kalibo na binigyang pahintulot din ng lokal na pamahalaan na magtinda ng kanilang mga produktong agrikultura sa nasabing lugar hanggang alas singko ng madaling araw.
Nag-ugat ang planong ito ng lokal na pamahalaan matapos nagpaabot ng reklamo ang mga negosyante sa loob ng Kalibo public market kung saan lubos na naapektuhan dahil wala na halos umanong pumapasok na mga mamimili sa loob ng palengke dahil sa nasabing mga inirereklamong vendors sa kahabaaan ng Toting Reyes St.
Sa nasabing pagpupulong ay napagkasunduan na hanggang 4:30 ng madaling araw na lamang sila mananatili sa nasabing lugar upang mabigyan din ng pagkakataon na kumita ang mga negosyante sa loob ng Kalibo Public market na nagbabayad ng renta at iba pang mga bayarin sa lokal na pamahalaan.
Samantala, nagsagawa naman ng limang araw na dry run upang malaman kung anu ang magiging epekto ng napag-usapang compromised agreement.