Connect with us

Aklan News

POLITIKA, BATAYAN SA DISTRIBUSYON NG FINANCIAL ASSISTANCE SA BRGY. JANLUD, LIBACAO?

Published

on

Photo Courtesy| DSWD12

ISINIWALAT ni Mrs. Leoniza Morania, residente at dating Barangay Health Worker (BHW) ng Brgy. Janlud, Libacao na politika ang batayan ng kanilang punong barangay sa pamimigay ng ayuda sa kanilang lugar.

Sa panayam ng Radyo Todo kay Ginang Morania, inihayag nito na hindi siya kabilang sa mga binigyan ng financial assistance dahil ayon sa kanilang punong barangay, hindi siya kaalyado ni Cong. Carlito Marquez.

Aniya, nagtataka siya kung bakit iginigiit ng kanilang kapitan na nagmula kay Cong. Marquez ang pondo dahil ang form o papel na kanilang sinulatan ay nagmula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Saad pa ni Morania na kung ito man ay nagmula kay Cong. Marquez, dapat kasama siya sa makakatanggap dahil noong 2019 election ay isa siya sa mga lider sa kampanya ni Marquez.

Dagdag pa nito na kung ito man ay nakalaan para sa mga indigent sa kanilang barangay, kabilang pa rin siya dito dahil isa siya sa mga miyembro ng 4Ps.

Samantala, kinuha naman ng Radyo Todo ang panig ni Janlud barangay captain Sharon Rose Navotas subalit tumanggi na itong magbigay ng kaniyang pahayag hinggil sa isyu at sinabing wala itong kaugnayan sa politika.

Ipinaliwanag lamang nito sa pamamagitan ng kaniyang ipinadalang text message, na mayroong 800 registered voters ang kanilang barangay at hindi na magkasya ang slots para sa kanilang kung kaya’t ang tanging binigyan lamang nila ng prayoridad ay ang mga residenteng hindi pa nakakatanggap ng anumang ayuda mula sa gobyerno.

Kaugnay pa nito, hinamon na lamang ni kapitan Navotas si Morania na magsampa ng kaso laban upang sa kanilang pormal na pagsagot ukol dito.