Aklan News
3-DAY LOCAL ABSENTEE VOTING, SINIMULAN NA NG AKLAN PPO
Sinimulan na ng Aklan Police Provincial Office (APPO) ang tatlong araw na local absentee voting kahapon, Abril 27 at magtatapos sa Abril 29 sa Aklan PPO Multi-Purpose Hall.
Ang nasabing local absentee voting ay para sa mga miyembro ng PNP na mayroong election duties sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng Aklan sa mismong araw ng election sa Mayo a-9.
Mula sa 321 na miyembro ng Aklan Police force, mahigit 311 PNP personnel ang kasama sa listahan ng Commission on Elections (COMELEC) na bibigyan ng prebilehiyo sa absentee voting.
Kabuuang 115 personnel ng Aklan PPO ang malayang nakapagboto sa unang araw ng pagsisimula ng local absentee voting.
Samantala, limitado lamang sa national position ang maaaring botohan ng mga miyembro ng kapulisan.
Nanawagan naman si Provincial Director PCOL Crisaleo Tolentino, na huwag palagpasin ang pagkakataong bumoto sa gitna ng kanilang tungkulin bilang mga miyembro ng kapulisan.
Habang tinitiyak nito sa publiko na itataguyod ng Aklan PNP ang ligtas, malinis at tapat na National and Local Elections 2022.