Aklan News
LALAKING NAKAUPO SA GILID NG KALSADA, NAHAGIP NG BUS, PATAY


Dead on the spot ang isang 30-anyos na lalaki matapos aksidenteng mabangga ng pampasaherong bus pasado alas-11:00 kahapon ng tanghali sa highway ng Regador, Ibajay.
Bagamat hindi na pinangalan, nabatid na residente din ng nasabing lugar ang biktima.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Ibajay PNP, nakaupo umano noon at nagpapahinga sa gilid ng kalsada ang biktima matapos maghakot ng mga kawayan, kasama ang kanyang ina.
Subalit aksidente umano itong nahagip ng pampasaherong bus na biyaheng Kalibo-Pandan, na nagkataon namang umiwas sa isang sasakyang huminto sa kanyang unahan.
Kaagad din umanong umalis ang sasakyan, subalit alanganin nang kumambyo sa kanan ang driver ng bus, dahilan upang masapol nito ang nakaupong biktima, na sinasabing nagulungan pa nito.
Dahil dito, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at nabalian ng balikat ang biktima, dahilan na kaagad itong binawian ng buhay.
Samantala, kaagad dinala sa presinto ang bus at ang driver nito, na nakipag-areglo naman sa pamilya ng biktima matapos magpahayag ang kumpanya ng bus na magbibigay ng tulong pinansyal.
Samantala, mapalad namang hindi nadamay sa aksidente ang ina ng biktima na nagkataong nasa likuran lamang nito.