International News
PAGTAWAG NA “KALBO” SA EMPLEYADO, ITINUTURING NA SEXUAL HARASSMENT
Naglabas ng hatol ang isang employment tribunal sa United Kingdom na ang pagtawag ng “kalbo” sa isang empleyado ay isang uri ng sexual harrasment.
Hinggil ito sa isinampang reklamo ng isang electrician laban sa dati nitong kumpanya na pinaglingkuran niya sa loob ng halos 24 na taon.
Kinilala ang electrician na si Tony Finn, 64-anyos na nagsasabing siya ay tinanggal sa trabaho ng walang basehan noong Mayo 2021. Maliban dito, kasama rin sa kaniyang isinampang kaso ang sexual harassment ng dating bisor na kinilala namang si Jamie King.
Sa salaysay ni Finn, nagkaroon sila ni King ng pagtatalo kung saan pinagbantaan siya nitong sasaktan. Tinawag din umano siya nitong “stupid old bald cunt.”
Sa naganap na pagtatalo, labis umanong dinamdam ni Finn ang pagtawag sa kaniya ni King ng “kalbo.”
Naganap ang paglilitis noong Pebrero at Abril kung saan pinanigan ng korte si Finn. Ayon sa 43 pahinang hatol na inilabas ng three member tribunal na pinangunahan ni Judge Jonathan Brain, ang pagtawag ng “kalbo” sa isang tao ay isang malaking insulto. Ito umano ay itinuturing na “violation against the claimant’s dignity,” creating an “intimidating, hostile, degrading, humiliating or offensive environment” para sa biktima.
Nagkataon namang kalbo din ang tatlong miyembro ng employment tribunal kung kaya’t nauunawaan umano nila ang damdamin ni Finn.
Dahil dito, inatasan ng employment tribunal ang kumpaniya na magbayad ng danyos kay Finn, kung saan pag-uusapan pa ang halaga.
Ayon pa sa pahayag nila, “As all three members of the tribunal will vouchsafe, baldness is much more prevalent in men than women. We find it to be inherently related to sex.”