Aklan News
UMENTO SA SAHOD, MAGSISILBING “MOTIVATION” SA MGA MANGGAGAWA – DOLE AKLAN
Magsisilbing “motivation” para sa mga manggagawa ang ipapatupad na dagdag-sahod na magiging epektibo sa Hunyo a-3.
Ito ay matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang P55 hanggang P110 wage increase para sa mga manggagawa sa non-agriculture at agriculture sectors.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Department of Labor and Employment (DOLE) Aklan Officer-In-Charge Joselito dela Banda, sinabi nito na mas magiging motivated at inspired pa ang mga empleyado na magtrabaho dahil sa ibinigay na umento sa kanilang sahod.
Aniya, hindi naging madali para sa mga minimum wage earners kahit na todo-kayod silang magtrabaho sa loob ng isang araw noong tamaan tayo ng COVID-19 pandemic.
Idagdag pa ayon kay dela Banda ang walang-patid na pagtaas ng presyo ng langis na naging dahilan rin ng pagtaas ng presyo ng bilihin sa merkado.
Saad pa ng opisyal, ang mga empleyadob sa pribadong establisiyemento na may sampu pababa na manggagawa ay makakatanggap ng P420 pesos na sahod kada araw mula sa kasalukuyang P310.
Samantala, ang mga empleyadong may higit sa sampung manggagawa ay makakatanggap ng P450 pesos mula sa P395 kada araw.
Ang mga agricultural workers naman ay makakatanggap ng P410 mula sa P315.
Dagdag pa ni dela Banda na P750 ang inihirit na daily minimum wage ng mga nagpetisyong labor sectors subalit P450 pesos ang napagkasunduan sa isinagawang consultation sa bawat lalawigan.
Napag-alaman na huling nagpatupad ng wage increase ang Western Visayas noon pang 2019.
Magiging epektibo ang nasabing wage increase 15 araw matapos mailathala sa mga pahayagan na mayroong general circulation.