Connect with us

Aklan News

Aklan PPO winarningan ang mga patuloy na tumataya sa underground online sabong

Published

on

BINALAAN ngayon ng mga kapulisan ang mga sabungerong patuloy na nagsasagawa at tumataya sa mga underground online sabong sa lalawigan ng Aklan sa kabila ng mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang operasyon ng nabanggit na sugal.

Ayon kay P/Maj. Willian Aguirre, Asst. Chief ng Provincial Intelligence Unit ng Aklan Police Provincial Office (PIU-APPO), pinapayagan ang mga sabungero at mananaya na makapagsabong subalit sa mga lehitimong sabungan lamang.

Saad pa ng opisyal, mayroong mga lehitimong sabungan ang nag-o-operate sa bawat bayan sa lalawigan ng Aklan.

Nakikipag-ugnayan aniya sila ngayon sa Regional Anti-Cybercrime Unit upang ma-trace ang URL at website na ginagamit ng mga sabungero na nagsasagawa ng iligal na operasyon ng online talpakan.

Binigyan-diin ni Aguirre na sa pamamagitan ng mga IT experts ng PNP ay malalaman nila ang eksaktong lokasyon ng mga ito.

Matatandaan na pinaboran ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipatigil na ang operasyon ng online talpakan matapos lumabas sa isinagawang survey ng DILG sa mga lungsod at lalawigan na sinisisi sa e-sabong ang ilang krimen at naaapektuhan na ang samahan ng bawat pamilya.