Aklan News
LGU Nabas iimbestigahan ang pagkamatay ng isang lineman ng Transpower Builders
IIMBESTIGAHAN ng Lokal na Pamahalaan ng Nabas ang operasyon ng Transpower Builders sa Brgy. Nagustan kasunod ng pagkamatay ng isang lineman matapos mahulog sa kanilang tower noong Marso 16.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Nabas Mayor James Solanoy, kailangan umanong maimbestigahan kung ang nasabing kompaniya ay sumusunod sa tamang safety protocols para masiguro ang buhay at kaligtasan ng kanilang mga manggagawa.
Aniya, dapat masiguro ng Transpower Builders na ang kanilang mga manggagawa lalo na ang mga linemen ay may suot na safety harness belt at iba pang safety gears.
Saad pa ni Solanoy na hindi biro ang trabaho ng mga linemen dahil sila ay maituturing “Heroes on Wire”.
Maliban dito, nais rin paimbestigahan ni Solanoy ang umano’y mga menor-de-edad na pinagtatrabaho ng Transpower Builders.
Inihayag pa ng alkalde na mayroong permit ang contractor na kinukuha sa munisipyo ng Nabas subalit hindi halos nakikipag-coordinate sa lokal na pamahalaan ang NGCP.
Ang Transpower Builders ay sub-contractor ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Napag-alaman na ang NGCP ay isang pribadong kompanya taliwas sa sinasabi nitong sila ay isang government-owned company.