Aklan News
P300K incentive ni gold medalist Francine Padios, para sa nakaratay na ama sa ospital
Makakatanggap ng P300, 000 cash incentive mula sa Philippine Sports Commission (PSC) si Aklanon athlete Mary Francine Padios dahil sa pagsilat niya ng gintong medalya sa SEA Games.
Pero ayon sa batang atleta, ang perang matatanggap niya ay mapupunta sa kanyang ama na nakaratay sa ospital.
Ang kanyang ama na si Atty. Jerome Padios ang nagsilbing matinding inspirasyon niya para mapagbuti ang performance at mapanalunan ang gintong medalya sa Pencak Silat Women’s Seni (Artistic) Tunggal Single event sa Hanoi, Vietnam.
Nasangkot sa aksidente si Atty. Padios noong Disyembre 21, 2021 kaya nitong Abril ay nanawagan ang pambansang atleta ng tulong para sa lumulobo nilang bill sa ospital.
“As far as I know is P300,000 ang makukuha ko sa PSC and all the P300k is mapupunta po kay Daddy. And that P300k is not enough for our hospital bills. So kaya I’m taking this chance na may mag-interview sakin.
“Kinukuha ko talaga kahit sobrang pagod po ako, isipin nyo po dun sa Manila, I stayed sa Manila kahit gusto ko na umuwi dito para makuha ko yung chances na mainterview, para mamention ko ‘yung dad ko to find help, na baka maka-touch po ako ng mga puso ng mga mababait na mga tao, matulungan ang isang atletang naghihirap po at isang anak na kailangan ng tulong,” panawagan ng 18-year-old athlete sa isang presscon.
Aniya, hindi sapat ang P300,000 para mabayaran ang kanilang bill sa ospital at mailipat ang kanyang ama sa isang pampublikong pagamutan.
“Yung incentives na ‘yun 300, sinasabi ko, hindi yun enough…
“Halos lahat ng allowance ko natapon na kay daddy. So naghahanap ako ng pwedeng utangan para lang maging okay siya, maging stable ulit. Kung nakarecord ito, sana po makatulong po kayo. Hindi po ganun kalaking amount, hindi po milyones po agad, kahit 500 lang, kahit po 20, ‘yung bente nay an, pwede na pong ipalaki yan kapag bawat tao ay magbibigay po,” dagdag pa niya.
Base sa Republic Act 10699 o National Athletes and Coaches Incentives and Benefits Act, ang isang Pinoy athlete na makapag-uuwi ng gintong medalya sa SEA Games ay makakatanggap ng PHP300,000, habang PHP150,000 ang silver medalist at PHP60,000 ang bronze medalist.
Nang tanungin naman sa kung ano ang plano ni Padios matapos ang SEA Games, sinabi niya na target niya ngayon ang world championship sa Malaysia.
Sakaling manalo siya doon ay iaalay pa rin niya ang mapapanalunan sa kanyang ama.