Business
Manggagawa ng J&T, nag-rally upang ipaabot ang mga ‘unfair labor practices’
Nagprotesta nitong Lunes ang mga mangagagawa ng isa sa mga sikat na courier ng mga online shopping platforms sa bansa upang ipaabot ang kanilang hiling para sa mas maayos na labor conditions.
Nagtrending sa Twitter Philippines ang hashtag “#StandWithJTWorkers” matapos magwelga laban sa management ng warehouse ng J&T Express sa Cabuyao, Laguna ang mga delivery riders, sorters, at truck drivers upang iprotesta ang iba’t ibang mga labor issues tulad na lamang umano ng kawalan ng overtime pay at health benefits.
Ayon sa mga manggagawa, ang kanilang umanong kakarampot na sweldo ay nababawasan pa dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina dahil wala silang gas allowance.
Kailangan din umano nilang sagutin ang reimbursement kung masira ang mga parcel.
Bukod pa rito, sinesante rin umano ng warehouse management ang presidente ng kanilang workers’ union na United Rank and File Employees of J&T Express (URFE).
Dahil dito, nagsampa ang mga kasapi ng union ng “unfair labor practice” case laban sa logistics company.
Sinabi naman ni Atty. Sonny Matula, presidente ng Federation of Free Workers na may naka-iskedyul nang dayalogo sa Martes kasama ang National Conciliation and Mediation Board kaugnay ng kaso.
“Matagumpay na welga ng United Rank and File Employees of J&T Express-FFW. Kasama ang mga manggagawa sa picketline sa Calamba. Natapos rin ang strike sa J&T Express. Salamat sa tulong ng NCMB [National Conciliation and Mediation Board],” ani Matula sa kanya Twitter.
Sa isang hiwalay na tweet noong Martes, sinabi naman ni Matula na nagkaroon ng “peaceful resolution” matapos magkaroon ng settlement sa pagitan ng magkabilang panig