Connect with us

Aklan News

Estudyante, sinabihan ng dean na “pokpok” dahil sa suot na damit at pinagbantaan na tanggalan ng scholarship

Published

on

Inireklamo ng isang estudyante sa Malay College ang kanilang Acting College President at dean na si Dr. Jimmy Maming dahil sa pamamahiya umano nito sa kanya.

Kwento ng hindi na pinangalanang estudyante sa Radyo Todo, sinabihan siya ng “pokpok” at pinagbantaan nitong tatanggalan ng scholarship.

Nag-ugat ito nang magpunta siya sa paaralan noong Abril 26, para sana magpalit ng distance learning mode mula sa dating online class sa modular class.

Pero bago raw pirmahan ni Maming ang kanyang form ay pinuna nito ang kanyang suot na croptop at highwaist jeans, “Pokpok ka ba?”, na sinagot niya naman ng hindi.

“Eh bat parang pokpok yang suot mo? Umayos ka kasi para kang pokpok dyan, tourism is always perfect,” pagpapatuloy pa umano nito.

Marami ang nakarinig sa sinabi nito kaya nagdulot ito ng matinding kahihiyan sa bata na nagdesisyon na magreklamo sa Commission on Higher Education (CHED).

Nang matanggap ni Maming ang sulat mula sa CHED kaugnay sa kanyang reklamo ay nagkasusap sila kung saan pinagbantaan siya nito na tatanggalan ng scholarship.

“Kung di daw ako titigil o kami is ewan niya lang daw if bibigyan pa ako ng scholarship para sa second year po,” lahad ng estudyante.

Sinabi pa ng estudyante na dalawa nalang ngayon ang estudyanteng natitira sa online class at lima naman sa modular mula sa dating 30-40 estudyante.

Karamihan sa kanila ay tumigil sa pag-aaral at hindi kinaya ang pagtrato sa kanila ng dean.

“Naaawa po ako sa mga kaklase ko, ginagawa naman po nila yung best nila. Akala kasi namin yung Malay College is para sa mga students na out of financial. Masaya nga po kami kasi scholar kami kaso ganon yung trato nila samin,” lahad pa niya.

Nauna rito, blinock siya ni Maming sa messenger nang magrequest siya ng offcam sa online class.

Bukas ang Radyo Todo sa anumang pahayag ng personalidad na nabanggit sa artikulong ito.