Connect with us

Aklan News

Kuya na nanaga sa kanilang ama, pinaghahampas ng ‘tagad’ ng kapatid, patay

Published

on

Dead on the spot ang isang 27 anyos na lalaki matapos paghahampasin ng ‘tagad’ ng mismong kapatid pasado alas 7:00 kagabi sa Dumaguit, New Washington.

Nakilala ang biktimang si John Rey Romualdo, 27 anyos, habang nakilala naman ang suspek na kanya rin mismong nakababatang kapatid na si John Paul Dela Cruz, 22 anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.

Base sa imbestigasyon ng New Washington PNP, magkasama ring nag-inuman noon ang magkapatid at ama nilang si Esercosion Dela Cruz, 54 anyos nang magtalo umano ang mga ito dahil sa kalasingan.

Kasunod nito, sinasabing hinampas umano ni John Rey ng tubo sa ulo ang kanilang ama, sa hindi nalamang dahilan.

Nang makita naman ito ni John Paul, kaagad namang kumuha ng ‘tagad’ at pinaghahampas ng makailang beses sa ulo at katawan ang kanyang kuya.

Kaagad sumuko sa New Washington PNP Station si John Paul, habang dinala naman sa ospital ang kanilang ama sanhi ng sugat nito sa ulo, subali’t kaagad ding nakalabas matapos gamutin.

Samantala, sa panayam ng Radyo Todo sa suspek na si John Paul, sinabi nito na nandilim na umano ang kanyang paningin nang makitang tinaga ng kanyang kuya ang kanilang ama, rason na nagawa nito ang krimen.

Bago nito, sinabi pa ng suspek na wala silang pinag-awayan simula hanggang matapos ang kanilang pag-iinuman kahapon ng tanghali hanggang kinagabihan, sa fish cage na kanila ring binabantayan.

Ayon pa kay John Paul, labis umano ang kalasingan ng kanyang kuya na may hawak pa umanong itak.

Dahil dito, binalaan umano nito ang kanilang ama sa loob ng kanilang bahay na mag-ingat, hanggang sa nagpumilit umanong pumasok si John Rey, at tinaga ang kanilang ama.

Doon narin umano kumuha ng ‘tagad’ si John Paul, at pinaghahampas ang kanyang kuya.

Ayon pa sa suspek, nakahanda rin umano itong harapin ang kaso kung saka-sakali.

Iginiit din ng suspek na madalas ding sinasaktan at sinusuntok ng kanyang kuya ang kanilang ama tuwing nalalasing umano ito.